Ipinatawag ni Manila Mayor Isko Moreno ang isang barangay kapitan mula sa Sta. Ana, Maynila matapos umanong tutukan ng baril at saktan ang ilang residenteng nakaalitan.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA "24 Oras" nitong Lunes, nakarating sa alkalde ang sumbong ng isang residente ng Barangay 709 Zone 86 tungkol sa punong barangay na si Amado Soriano.
"Bibigyan kita hanggang Lunes. Kapag hindi ka lumabas, chairman, personal na kami bibisita sa 'yo," babala ni Moreno noong Biyernes.
Sagot naman ni Soriano, hindi siya nagtatago dahil wala siyang ginawang kasalanan.
Paliwanag ng kapitan, laruang baril lang ang dala niya at inilabas niya lang ito para tumigil na ang gulo.
Mariin niyang itinanggi na iwinasiwas at itinutok niya sa mga kabarangay ang baril.
Iginiit naman ng mga nagrereklamo na totoong baril ang dala ni Soriano.
Away-kalsada umano ang ugat ng gulo.
Huwebes ng hapon, napaaway umano ang babaeng anak ni Soriano sa isa pang babaeng residente.
Ayon sa anak ng kapitan, babalik na sana siya sa sasakyan pero pilit siyang hinamon ng nakaalitang babae.
Salaysay naman ng nakaaway na residente, ipinagmamalaki ng anak ni Soriano na tatay niya ang lokal na opisyal.
Humantong sa sabunutan ang away-kalsada.
Matapos magsumbong sa barangay hall ang anak, rumesbak umano si Soriano kasama ang iba pa nilang kaanak pero ayon sa kapitan, ang kabilang kampo ang unang nanakit.
Frustrated murder ang isasampang kaso ng mga residente laban sa kanilang kapitan.
Maghahain din daw ng kontra-demanda ang kampo ni Soriano.
Parehong nagpakita kay Moreno ang dalawang panig nitong Lunes pero ipinaubaya na ng alkalde ang imbestigasyon sa mga pulis. —Dona Magsino/LDF, GMA News
