Patay ang isang jail warden ng Quezon City Jail Annex matapos siyang tambangan ng hindi pa nakikilalang mga salarin na sakay ng motorsiklo sa Parañaque City.
Sa ulat ng GMA News "QRT" nitong nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Jail Senior Inspector Robert Barquez, na nakadestino sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Base sa imbestigasyon, sakay si Barquez ng kaniyang SUV nang bigla siyang pagbabarilin ng dalawang salarin na nakasuot ng itim na jacket.
Agad tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng Parañaque Police, kabilang ang pagkalap ng ebidensya tulad ng mga CCTV at mga testigo.
Sinabi ni Police Major Nicanor Lambino, hepe ng Station Investigation Detective Management Section ng Parañaque PNP, na sa kanilang inisyal na pagsisiyasat, posibleng may kinalaman sa trabaho ang pagkakapatay kay Barquez.
Lumabas pa sa kanilang imbestigasyon na papuntang Multinational Village sa Parañaque City ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Nang makapanayam ng pulisya ang pamilya ng biktima, inilahad ng asawa ni Barquez na wala siyang alam na banta sa buhay ng mister.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
