Patay sa saksak ang isang babae matapos mauwi sa pagtatalo ang paniningil niya ng utang sa isang kapitbahay sa Valenzuela City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Tinuturong suspek si Godofredo Perdigon Jr., alyas Janjan, na sinasabi ng mga tao na huling kasama ng biktima.

Matagal na raw na nasa drug watch list si Perdigon at bigla raw itong nagparehab.

Nang puntahan ng mga awtoridad sa isang rehabilitation facility sa Pampanga, dito na inamin ng suspek ang ginawang krimen.

Natagpuang nakabalot sa kumot at tadtad ng saksak ang 44-anyos na si Rosalie Sagal sa isang palaisdaan sa Barangay Pasulo. Noong July 20 pa inireport ng pamilya ang pagkawala ni Sagal.

Ayon sa hepe ng Valenzuela Police na si Colonel Carlito Gaces, positibong kinilala ng asawa ng biktima na si Sagal nga ang natagpuang patay sa palaisdaan.

Ayon kay Perdigon, nagtalo raw sila ng biktima nang sugurin daw siya nito sa kanyang bahay para maningil ng utang.

“Kasi may konting utang po ako sa kanya, halagang P500. Doon na po nangyari yung pagtatalo namin. Tsaka nagawa ko na po yung ano. Sinampal niya po ako nang malakas. Nagdilim na po yung paningin ko,” sabi ng suspek.

“Pinalipas ko po noong gabi. Nailagay ko po siya sa kumot. Noong bandang ala una ng madaling araw, nagawa ko pong itago… Doon ko po nailagay sa may ilog namin sa likod,” dagdag niya.

Hindi na raw alam ni Perdigon kung ilang beses niya sinaksak ang biktima.

Pinagsisihan na raw ni Perdigon ang pagpatay kay Sagal.

“Napakarami kong naperwisyo. Nasira ko lahat ng pamilya niya. Humihingi po ako sa kanya ng tawad sa mga anak niya, sa pamilya niya,” sabi ni Perdigon.

Haharap sa kasong murder ang suspek. — Joviland Rita/RSJ, GMA News