Patay na ang lalaking nasangkot sa pang-aararo ng mga sasakyan sa Maynila noong Mayo at suspek din sa pagkawala ng dalawang Grab driver. Ang lalaki, napatay ng mga awtoridad sa Cavite matapos umanong manlaban.
Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News 'Saksi" nitong Miyerkules, sinabi ng mga awtoridad na pinuntahan ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ang bahay na kinaroronan ng suspek na si Frankie Serrano, sa Barangay Santol sa Silang, Cavite kaninang 5 p.m. para isilbi ang arrest warrant.
Pero sa halip na sumuko, sinabi ni CIDG 4A Chief Lawrence Cajipe, nagpaputok daw ng baril si Serrano hanggang sa mapatay ng mga pulis.
Ginamit pa raw na panangga ni Serrano ang kinakasama nito na ligtas namang nasagip.
Bukod sa baril, nakuha din umano ng mga pulis kay Serrano ang isang granada.
Aalamin din kung carnap ang nakuhang sasakyan sa bahay.
Bago nito, nasangkot si Serrano sa pag-aararo ng mga sasakyan sa Maynila noong Mayo matapos na sitahin ng traffic enforcers dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
WATCH: Motoristang nang-araro ng mga sasakyan sa Maynila, patuloy na pinaghahanap
Nakatakas si Serrano pero nakita kinalaunan ang ginamit niyang sasakyan sa insidente na natuklasang carnap.
Ang tunay na driver ng nabawing sasakyan na isang Grab driver na si Lawrence Fajardo, patuloy na nawawala.
Hinihinala na may kinalaman si Serrano sa pagkawala ng isa pang Grab driver na si Manuel Alegria Almodin.
Nasangkot din si Serrano sa ilang insidente ng pamamaril sa Cavite na nahuli-cam din.
Bagaman patay na si Serrano, sinabi ng mga awtoridad na patuloy pa rin ang gagawing imbestigasyon sa mga kasong kinasangkutan nito.— FRJ, GMA News
