Nais ng Malacañang na ibalik sa kulungan ang mga bilanggong nahatulang makulong dahil sa karumal-dumal na krimen pero nakalaya dahil sa Republic Act 10592, o ang batas na nagpalawig sa good conduct time allowances (GCTA).

“Obviously, dapat makabalik sila sa kulungan until they serve the full term of their service,” sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa mga mamamahayag sa Beijing, China nitong Biyernes.

Napalaya ang mga bilanggo batay sa RA 10592 na naging batas noong 2013.

Dahil sa nabanggit na batas, nabawasan ang sentensiyang pagkakakulong ng mga bilanggo batay sa naging magandang asal umano nila sa loob ng piitan.

Batay sa datos ng Bureau of Corrections, lumitaw na sa 22,049 persons deprived of liberty (PDL) o preso na nakalaya na mula 2014 hanggang 2019 dahil sa GCTA, 1,914 sa kanila ang nahatulan dahil sa nagawa nilang karumal-dumal na krimen tulad ng pagpatay at panghahalay.

Sa mga nahatulan dahil sa heinous crime, 797 ang sangkot sa pagpatay, 758 sa rape, 274 sa robbery with violence or intimidation, 48 sa droga, 29 sa parricide o pagpatay ng kaanak, lima sa kidnapping with illegal detention, at tatlo sa arson.

Sabi ni Panelo, batay sa batas ay hindi dapat kasamang pinalaya ang mga preso na nakagawa muli ng krimen, habitual delinquents, escapees at nakagawa ng heinous crime.

“That cannot be done because the law is very clear,” ayon kay Panelo, na chief legal counsel din ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nang hingan ng reaksyon sa nakasaad sa batas na hindi na puwedeng bawiin ang naibigay na GCTAs sa preso, sabi ng opisyal, “When you say it cannot be revoked it assumes that the grantee(s) are qualified. If they are not qualified how can you apply that provision.”

Nitong Huwebes, sinabi ni Frederic Santos, hepe ng legal office ng BuCor, na lahat ng bilanggo ay kalipikado sa GCTA.

Ilang mambabatas na ang nagpahayag ng kagustuhang amyendahan ang GCTA, habang iniutos ni Justice Secretary Menardo Guevarra na suspindihin ang implementasyon ng batas habang nirerepaso ito. — FRJ, GMA News