Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo nitong Huwebes na dapat imbestigahan ng Presidential Security Group (PSG) kung paano nakapasok ng Palasyo ang mga kaanak ng convicted murderer-rapist na si Antonio Sanchez noong Pebrero kahit wala silang "appointment."

Batay sa logbook ng Malacañang, nakasaad na nagtungo ang asawa ni Sanchez na si Elvira at anak nitong si Marie Antonelvie, sa New Executive Building, kung nasaan ang opisina ni Panelo noong nakaraang Pebrero 7, 21 at 26.

Pero hindi raw niya nakausap ang mga ito noong Pebrero 21.

Sabi pa ni Panelo, hindi nila inasahan ng kaniyang mga tauhan na pupunta sa opisina ang mga kaanak ni Sanchez.

“Pinaiimbestigahan ko nga ngayon [kung] paano nakarating sila ng dalawang beses eh nang hindi natin nalalaman,” sabi niya sa mga mamamahayag. “We don’t even know how they were able to come.”

Sabi pa ni Panelo, dapat maging mahigpit ang PSG sa pagtanggap ng mga bisita.

“My experience here is that in Gate 2 [entrance sa New Executive Building] hindi masyado. Kung minsan, istrikto; kung minsan, hindi. That’s true. That’s why they really have to be strict kasi kung minsan nagugulat ako, ‘Oh bakit may tao diyan,’” sabi ng opisyal.

“I think that’s security problem of the PSG, not us. Lax, siguro iyong lax,” dagdag niya.

Nitong nakaraang mga araw, umani ng mga puna ang ginawang pag-refer ni Panelo sa Board of Pardons and Parole kaugnay sa hiling ng mga kaanak ni Sanchez na mabigyan ng executive clemency ang dating alkalde.

Pero nilinaw ni Panelo na hindi niya inirekomenda na palayain si Sanchez, na naging kliyente niya noon sa kaso.

Nitong Miyerkules, idinepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte si Panelo at sinabing wala siyang nakikitang masama sa ginawa ng tagapagsalita.— FRJ, GMA News