Inihayag ng pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na wala silang planong bayaran ng P12 milyon bilang danyos na itinakda ng korte para sa pamilya ng dalawang naging biktima ng dating alkalde.
Ginawa ni Elvira Sanchez, asawa ni Antonio, ang pahayag matapos dumalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa kontrobersiyal na Republic Act 10592, o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law, na makapagpapabawas sa sentensiya ng mga bilanggo.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabing iginiit ng pamilya Sanchez na kalipikado ang dating alkalde na makinabang sa GCTA law at dapat mapalaya na.
Sa harap ng mga senador, nanindigan si Elvira na inosente ang kaniyang asawa kaya hindi nila babayaran ang itinakdang danyos ng korte na dapat ibigay sa pamilya nina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
Batay sa desisyon ng korte, guilty si Antonio at mga tauhan nito sa paghalay at pagpatay kay Sarmenta, at sa pagpatay sa kaibigan ni Sarmenta na si Gomez, noong 1993.
Samantala, inamin naman ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon, na pinirmahan niya ang release order ni Sanchez kahit sa paniwala niya ay hindi kalipikado sa GCTA ang dating alkalde.
Ayon kay Faeldon, sinabi ng kanilang legal team na walang balakid sa pagpapalaya kay Sanchez.
Natalakay din sa pagdinig ng Senado ang iba-ibang interpretasyon
ng RA 10592.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra, masusi nilang pinag-aaralan ang Implementing Rules and Regulations ng batas. Plano naman daw ng Senado na bawiin o amyendahan ang IRR ng batas.--FRJ, GMA News
