Patay ang isang senior citizen sa Maynila matapos mabundol ng motorsiklo na minamaneho ng lasing daw na pulis nitong Sabado, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Gregorio Enriquez, 69, na 11 taon na raw nakikipaglaban sa prostate cancer at kagagaling lang sa operasyon nitong nakaraang Hulyo.

"Hindi 'yan deserved ng asawa ko kasi na-survive nga niya yung cancer eh," sabi ng misis ng biktima na si Emma Enriquez, na hindi tanggap ang nangyari sa asawa.

Naisugod pa sa ospital si Lolo Gregorio pero binawian din ng buhay dahil sa baling ribs at basag na noo. Bukod dito, pumutok din daw ang ugat sa utak ng biktima.

Kinilala naman ang naarestong suspek na si Dennis Ryan Flores, na nagpakilalang pulis na nakatalaga sa Baseco at may ranggong police staff sergeant.

Ayon sa kaanak ni Lolo Gregorio, lasing si Dennis nang mangyari ang insidente. Napag-alaman din nila na bago mabangga si Lolo Gregorio ay may dalawa nang nabundol ang suspek kaya humaharurot ito ng takbo.

"Parang pangatlong biktima na si Papa noong araw na iyon," anang anak ng biktima na si Sherwin.

Nananawagan ang pamilya ni Lolo Gregorio sa iba pang biktima na lumantad at magsampa ng reklamo laban sa suspek. —KBK, GMA News