Malaki ang hinala ng ilang residenteng nasunugan sa Tondo, Maynila nitong Miyerkoles ng umaga na sinadyang sunugin ang kanilang lugar kung saan tatlo ang nasawi, kabilang ang dalawang bata.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ng Bureau of Fire Protection ang mga nasawi na sina Leo Lance, 4-anyos, ang nanay niyang si Mara Pequillo, at si Andrei Boy, 5-anyos.

Sinabing nasa 10 bahay ang natupok pero apektado ang 20 iba pa na tinitirahan ng 100 pamilya.

Hinala ng mga apektadong residente, posibleng sinadyang sunugin ang kanilang lugar dahil nagkaroon umano noong Martes ng pagbabanta na magkakaroon ng sunog kung hindi sila aalis.

Mayroon ding mga akusasyon na may nakitang nagtapon ng isang nasusunog na container, na naamoy din ng mga residente.

Isasama umano ng mga awtoridad ang alegasyon ng mga residente sa gagawin nilang imbestigasyon, pati na ang iba pang posibilidad na sanhi ng sunog.

"We will still conduct our own investigation pertaining sa mga ganyang allegation para maka-arrive tayo sa maayos na conclusion kung talagang totoo nga," sabi ni Fire Inspector John Joseph Jalique, Gagalangin Fire Chief.

Samantala, dumating si Manila Mayor Isko Moreno sa lugar at personal na kinumusta ang mga nasunugang residente. Ipinarating din niya ang kaniyang pakikiramay sa mga kaanak ng mga namatayan.

Nagbigay din si Mayor Isko ng tulong sa mga residente para sa kanilang unang tatlong araw, dahil lahat sila ay walang naisalbang gamit, ayon sa ulat.

Siniguro ng mayor na paiimbestigahan ang nangyari.

Mananatili naman ang mga nasunugan sa barangay habang inaayos pa ang kanilang relokasyon.--Jamil Santos/FRJ, GMA News