Kumpiskado sa NAIA ang anim na kahon ng mga naka-boteng liquid marijuana.

Ayon sa ulat sa “QRT”, galing ang shipment sa bansang Romania sa Europa.

"CBD full plant extract" ang label sa mga likido.

Sa pagsusuri ng Bureau of Customs at iba pang mga awtoridad, nagpositibo ang mga ito sa kemikal na "tetrahydrocannabinol," na nakikita sa marijuana.

Ang CBD naman ay cannabidiol, na bagama't ginagamit din bilang gamot sa ibang bansa ay itinuturing pa ring ilegal dito sa pilipinas.

Walang pahayag ang consignee ng shipment na nahuli at inireklamo na.

Bawal sa Pilipinas ang marijuana bagaman may mga panukala na para gawing legal ang medical marijuana. —NB, GMA News