Isa ang patay, isa ang arestado habang isa ang nakatakas nang mauwi sa engkuwentro ang simpleng paninita ng mga pulis sa isang checkpoint sa Caloocan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles.

Nakunan ng CCTV ang insidenteng naganap sa panulukan ng A. Mabini at Guido Street sa Caloocan City noong Lunes nang gabi. 

Nagsasagawa noon ng "Oplan Sita" ang mga awtoridad nang mamataan nila ang motorsiklong may tatlong sakay na bawal sa ilalim ng batas. Isa rin sa tatlong sakay ng motor ay walang suot na helmet.

Ayon sa mga pulis, nang parahin nila ang motorsiklo ay bumaba ang dalawang angkas at naiwan ang rider.

Pinaandar ng rider ang motorsiklo pero napigilan siya ng nakasibilyang pulis na si Police Corporal Mark Jefferson Lopez. Dito na raw biglang sumigaw ang rider ng "Pare, tirahin niyo na!".

Kita sa CCTV na may binubunot ang lalaking nakaputing t-shirt. Pero mas mabilis ang isa pang pulis at agad niyang binaril ang lalaki.

Dinala pa sa ospital ang suspek na si Mark Llanete pero idineklara siyang dead on arrival. Nakuha sa kaniya ang isang kalibre .38 na baril

Sinubukan pa ng mga awtoridad na habulin ang isa niyang kasamahan pero mabilis itong nakatakas.

Arestado naman ang rider na si Fernando Pascual, na tumangging magbigay ng pahayag. —KBK/FRJ, GMA News