Bagamat iginagalang ng Philippine National Police ang anumang desisyon ng Senado hinggil sa pagsasapubliko ng mga pangalan ng tinaguriang "ninja cops" o mga pulis na sangkot umano sa iligal na droga, hiniling nito sa mga senador na i-respeto ang human rights ng nasabing mga pulis.

Sa isang pahayag noong Martes, sinabi ng PNP na "let the ax fall where it may."

"We bow to the discretion of the Senate if it so desires to make public the names of PNP members whom it tags as 'ninja cops,'" anang PNP.

"We request, however, that the Senate exercise due diligence in protecting the rights of these persons against undue persecution," dagdag nito.

Ayon pa sa PNP, "The PNP only has the best interest of justice, fairness and good governance in uncovering the truth behind the alleged involvement of cops in recycling drug evidence."

Inatasan ng Senado nitong Martes ang Blue Ribbon at Justice committees na isapubliko ang impormasyong isiniwalat ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa isang executive session tungkol sa mga miyembro ng PNP na sangkot umano sa drug recycling.

Inilahad ni Senator Ronald "Bato" dela Rosa, ang gumawa ng mosyon, na patas lamang para sa mga nadadawit na ilahad ang mga nilalaman ng napag-usapan sa executive session. Labing-pitong senador ang pumabor sa mosyon ni Dela Rosa.

Martes ng umaga nang idawit ni National Capital Region (NCR) chief Major General Guillermo Eleazar ang 16 "ninja cops" sa isang drug syndicate na may operasyon umano sa Metro Manila.

Ibinunyag ni Eleazar ang impormasyon sa isang meeting kasama ang 44 na hepe ng mga police drug enforcement unit sa rehiyon, sa gitna ng mga alegasyon na pinahihina ng mga ninja cops at drug recycling ang laban ng administrasyon kontra ilegal na droga.

Ayon pa sa NCR police chief na sa 16 na ninja cops, siyam na ang napatay, dalawa ang retirado, dalawa ang pinaalis sa kanilang kinauupuan, dalawa ang nag-AWOL, at isa ang nasa kulungan. —Jamil Santos/LBG/KBK, GMA News