Sugatan ang apat na aso matapos isprayan ng isang lalaki ng kemikal na pang-alis ng grasa sa Kamuning, Quezon City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kuwento ng uploader ng video, madaling araw nang biglang nag-ingay ang aso ng kaniyang lola.

Nagulat na lang sila nang madatnan nilang may mga sugat na ang kanilang aso.

Sa kanilang CCTV, pasado alas-dos nang madaling araw nang may dumaang grupo ng lalaki sa tapat ng kanilang bahay.

Tinaholan sila ng aso at doon na may lumapit na isa at nag-spray ng heavy degreaser sa aso.

Lumakad pa raw sa kabilang kalye ang grupo at inisprayan din ang tatlo pang aso ng tiyuhin ng uploader.

Agad nila itong inireklamo sa barangay. —KBK, GMA News