Natangay ng magkasabwat na suspek ang libu-libong pisong kita ng isang tindahan sa isang mall sa Marikina, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaking umaali-aligid sa tindahan na palingon-lingon at nagmamasid.
Naroon din ang isang babaeng tila minamanmanan kung nakatingin ba ang bantay.
Nang makakuha ng buwelo, lumapit na sa stall ang lalaki at sinungkit ang pouch na naglalaman ng kita ng tindahan.
Pasimpleng niya itong ipinasa sa kasabwat na babae at umalis na sila.
Ayon sa bantay ng tindahan, nasa P60,000 ang natangay ng mga suspek.
Nai-report na sa mga pulis ang insidente. —KBK, GMA News
