Ibinalita ni Senador Bong Go na nagka-dengue ang bunsong anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Veronica, na kilala rin sa tawag na "Kitty." Dahil dito, labis umanong nag-aala ang pangulo at halos hindi nakatulog sa biyahe pabalik ng Pilipinas mula sa Russia.

Matapos ang kaniyang arrival speech at pagsagot sa ilang tanong ng media nitong Linggo nang dumatin sa Pilipinas, kaagad na umalis si Duterte para magtungo sa ospital kung saan nakaratay ang kaniyang anak.

“Nakikita ko habang nasa eroplano kami, nag-aalala siya. Parati niyang iniisip at 'di nga raw siya po makatulog sa haba ng flight. For 11 hours ay 'di siya mapalagay dahil iniisip niya ang youngest daughter,” sabi ni Go.

Unang pagkakataon umano na nagka-dengue si Kitty kahit pa nabigyan siya ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia. (READ: Kitty Duterte, Paolo’s wife, daughter received Dengvaxia shots)

Pero ipinatigil ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng Dengvaxia sa dengue immunization program ng pamahalaan noong December 2017 matapos sabihin ng may gawa ng gamot na Sanofi Pasteur na hindi pala ito dapat ibigas sa mga hindi pa nagkaka-dengue.

“Okay naman po siya [Kitty]. Dengue fever po ito at on her way to recovery na po siya. Sa awa ng Diyos maayos naman po bumabalik na yung...umaakyat na yung kaniyang platelet and hopefully ay gagaling na siya,” anang senador.

Nang tanungin kung gaano kababa ang platelet level ni Kitty, sabi ni Go, “I think around 52 pero unti unti na hong bumabalik sa normal. Right now mayroon pa siyang dengue fever.”

Nalaman umano ng delegasyon ni Duterte na nagkaroon ng dengue si Kitty nitong Sabado habang nasa Russia pa ang pangulo.

“Di po namin masabi. Nasa russia kami nung nangyari ito kaya nung pagdating namin dumiretso agad kami sa ospital at bisitahin yung kaniyang youngest daughter,” Go said.

Batay sa tala ng DOH, nasa 322,693 ang kaso ng dengue sa bansa mula Enero January 1 hanggang September 26.

Mayroon umanong 1,272 pasyente ang pumanaw din dahil sa naturang sakit. —FRJ, GMA News