Ibinida ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang mga accomplishment niya sa unang 100 araw sa puwesto sa kanyang State of the City Address.
Napuno ng mga tagasuporta, staff at kapwa opisyal ang San Juan City Hall nitong Martes nang umaga. Naroon din ang ama ni Mayor Zamora na si San Juan City Representative Ronaldo Zamora.
Ayon kay Mayor Zamora, itatayo sa San Juan City ang unang high-rise in-city public housing project katulong ang National Housing Authority. Magkakaroon daw ito ng 22 palapag.
Magkakaroon na rin daw ng libreng WiFi sa mga pampublikong lugar sa 21 barangay gaya ng mga paaralan, palengke, parke, at barangay basketball court.
Kauna-unahan daw sa Pilipinas ang pinirmahang memorandum of agreement para sa “free WiFi for all” ng San Juan kasama ang Department of Information and Communications Technology at iba't ibang telco.
Sa loob ng 100 araw, may kabuuang P1.69 bilyong halaga ng infrastructure projects ang nag-groundbreaking o inauguration sa San Juan. Kasama rito ang National Government Center na isang "one-stop shop" para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ipinagmalaki rin ni Mayor Zamora ang 100% score ng San Juan City sa road-clearing operations base sa validation ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa ngayon, iniimbestigahan ang ilang kwestiyonable umanong proyekto sa San Juan kabilang ang P500-milyong San Juan Medical Center na hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang konstruksyon. Ang mga equipment fully paid at dineliver na pero hindi naman na-test.
Bukod rito, ibinida rin ni Mayor Zamra na may educational assistance para sa mga estudyante, at pondo para sa laptop ng mga guro. May pondo rin daw para sa public at private hospitals, at may mga programa para sa dengue at polio.
Patuloy ang anti-drug campaign ng lungsod at nagkaroon pa ng unang anti-illegal drugs summit para sa drug-free workplace. —KBK, GMA News

