Inaasahan na muling nagbubukas ang makasaysayang Metropolitan Theater sa Maynila sa 2022. Ang naturang teatro, ilang taon nang nakasara.
Ito ang inanunsyo ng National Historical Commission of the Philippines matapos ang isinagawang ocular inspection sa teatro nitong Lunes.
READ: Kasaysayan at misteryo ng Manila Metropolitan Theater
"Definitely, this will be opened full operation before the end of first term of Mayor (Isko Moreno)," ayon kay NHCP chair Rene Escalante nang makapanayam ng mga mamamahayag.
Matatapos ang unang termino ni Moreno bilang alkalde sa 2022.
Pinangunahan nina Escalante, Manila Mayor Isko Moreno at National Commission for Culture and the Arts (NCAA) chair Virgilio Almario, ginagawang pagsusuri sa gusali.
Inilahad ni Escalante na itinayo ang Metropolitan Theater noong 1930s ngunit nasira noong World War II ng 1940s. Muli naman itong inayos noong 1960s, at naulit noong 1970s.
Ayon pa kay Escalante, napabayaan na ang teatro nang maganap ang pre at post-EDSA Revolution noong 1980s.
"Na-declare itong National Cultural Treasure ng National Museum at National Historical Landmark ng National Historical Commission (of the Philippines)," saad ni Escalante habang ipinaliliwanag ang kahalagahan ng naturang establisyimento.
Paliwanag pa ng pinuno ng NHCP sa planong gagawin sa teatro, magkakaroon ito ng mall at museum sa ikalawang palapag, at souvenir shop at cafeteria sa ground floor.
Maglalaan din ng opisina ng NCAA sa loob ng gusali.
Magsasanib-puwersa ang NHCP, NCAA at ang lokal na pamahalaan ng Maynila para sa muling pagbubukas ng teatro.
Sinabi ni Moreno na tamang-tama ang ginawang anunsyo, na nataon sa pagdiriwang ng kaarawan ni Kuya German "Germs" Moreno noong Oktubre 4, na isa sa mga nagsusulong na muling mabuksan ang teatro.
"In fact, timing na timing itong araw na ito because a few days ago, birthday ni Kuya Germs, October 4, and Kuya Germs is one of the haligi ng industriya ng pelikula at showbiz na nag-effort dito a few years ago," sabi ng alkalde.
"Pero dahil sa walang synchrony among the national government, agencies of the national government and local government and there is confusion about ownership, so nawala lahat," dagdag ni Moreno.
Binanggit naman ni Mayor Isko na kaya rin hindi naasikaso nang matagal na panahon ang teatro ay dahil sa kalituhan kung sino ang nagmamay-ari nito.
READ: GSIS formally turns over Manila Metropolitan Theater to NCCA
"Dahil 'yung mga concerned individual, they are calling our attention sa city government, and there is confusion of who owns Metropolitan Theater. That's why there is confusion about ownership simply because, the stagnation at lalong nabubulok 'yung Metropolitan Theater in the eyes of the public," saad ni Moreno.
Ayon kay Moreno, hindi na makikipag-agawan ang lokal na pamahalaan sa pagmamay-ari, kundi ipapaubaya na nila ito sa pangangalaga ng gobyerno.
Ang city government naman ng Maynila ang bahalang isaayos ang labas ng Metropolitan Theater, alinsunod na rin sa kampanya ng Department of Tourism at National Commission for Culture and Arts.
"Noong una, malungkot kasi pero usok dahil ito'y Lawton, busy na busy na lugar. Pero there will be more greens in the area," saad ni Moreno.
“Kami panatag. Kumbaga hindi na siya pagmamay-ariin ng isang financial institution na wala namang linya sa mga heritage... Now the city government of Manila and the people of Manila is at peace because it is in good hands," dagdag pa niya.--FRJ, GMA News
