Patay ang isang pulis matapos siyang pagtulungang gulpihin at saka binaril pa ng dalawang grupo ng kalalakihan nagkakagirian at kaniyang inawat sa Quezon City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang nasawing pulis na si Patrolman John Christian Magtoto, nakatalaga sa Quezon City Police District Station 4.

Bukod kay Magtoto, nasawi rin ang isang lalaki na nagngangalang  Vincent Genovania, 24-anyos, na ayon sa imbestigasyon ay kasama sa nangggulpi kay Magtoto, nitong Linggo ng gabi sa Salvia St. sa Barangay Kaligayahan sa Novaliches.

Nasawi si Genovania matapos na tamaan ng bala mula sa isang lalaki na nahuli-cam, na tila may kinuha sa nakatumbang si Magtoto at nagpaputok sa direkyon ng mga umatake sa pulis.

Sa kuha ng CCTV, nahuli-cam ang ginawang pag-atake ng mga lalaki kay Magtoto hanggang sa matumba. Nang muli siyang bumangon, doon na siya pinaputukan ng isang lalaki.

Sa paunang imbestigasyon ng kapulisan, sinabing nadaanan lang at umaawat si Magtoto sa dalawang grupo ng kalalakihan na nag-aaway.

"Noong pauwi na sila may nadaanan nag-aaway na dalawang grupo. Nung pinacify nila, tinatanong nila kung ano ang nangyari. Sila na yung hinarap ng dalawang grupo. Yung isa, sumigaw; nagpakilalang pulis [ang biktima]. Sinabi [naman] walang pulis-pulis daw," ayon kay Police Major Elmer Monsalve, CIDU-QCPD.

Hawak na ng pulisya ang isa sa mga umano'y nanggulpi kay Magtoto at tukoy na rin daw ng mga pulis ang isa sa mga gunman. Pero hindi pa muna nila ito pinangalanan dahil patuloy pa ang kanilang operasyon.

Patuloy ding pinaghahanap ang iba pang sangkot sa naturang gulo at umatake sa biktima-- FRJ, GMA News