Umantig sa puso ng mga netizen ang  naka-post sa social media na litrato ng isang nanay na nakayapak sa pagmamadaling maiabot ang nakalimutang baon na pagkain ng kaniyang anak.

Sa mga litratong kuha ni Carmelo John dela Cruz, makikita si Nanay Carla na naka-yapak sa may overpass, ayon sa ulat ng Unang Balita.

Kuwento ni Carmelo, habang hirap siya sa paghahanap ng masasakyan, nakita niya ang kanyang ina na tumatakbo papunta sa kanya.

Hindi na nagawa pang mag-tsinelas ni nanay Carla, maabutan lang ang anak at maibigay ang baon nito.

Proud na ibinahagi ni Carmelo sa kanyang Facebook account –kung gaano siyang na-touch sa ginawa ng kanyang ina sa kabila raw ng minsang pagiging matigas ng kanyang ulo.

Ang pabaon ni nanay carla sa anak, hindi lang basta pagkain, kundi pagmamahal na hindi mauubos. —LBG, GMA News