Dalawang batang magkapatid ang nasawi matapos silang makulong sa nasunog nilang bahay sa Tondo, Maynila. Ang kanilang mga bangkay, natagpuang magkayakap  kasama ang kanilang mga alagang aso at pusa.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang mga biktima na sina Aliyah Raine Morales, 9-anyos at Anastasia Marie, 1, na naninirahan sa Bulacan St sa Gagalangin, Tondo.

Ayon sa isang residente, isang napadaan na tao ang nakapansin sa apoy mula sa bahay ng mga biktima dakong 9:00 am.

"May dumaan na tao. [Nagtanong] May nagluluto raw po ba sa taas? Sabi ko wala dahil walang tao. Eh bakit may apoy?  Nung pagtingala kong ganyan, sunog na," sabi ni Rebecca de Guzman.

Nasa trabaho raw noon ang may-ari ng bahay nang mangyari ang sunog na tumagal ng isang oras.

Karaniwan na rin daw na naiiwan kay de Guzman ang mga bata.

Hindi raw nila inakala na nasa loob ng bahay ang magkapatid dahil bago maganap ang sunog ay nakita na nilang bumaba na ang mga ito. 

Posible raw inaantok ang mga ito kaya bumalik at muling natulog. Hindi na rin daw nadinig ang pagsigaw ng dalawa dahil walang bintana ang kanilang kuwarto.

Hindi na rin daw napasok ang bahay ng biktima dahil nasunog ang hakdang patungo sa kuwarto sa itaas na kinaroronan ng magkapatid.

Matapos ang sunog, nakita ang bangkay ng magkapatid na may talukbong at magkayakap, kasama ang kanilang mga alagang aso at pusa.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga magulang ng magkapatid.--FRJ, GMA News