Ilang natutulog sa nitso at vendor sa Manila South Cemetery ang isinama ng mga pulis sa presinto, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Biyernes.

Ayon sa pulisya, bahagi ito ng anti-criminality operation nila sa nasabing sementeryo bilang paghahanda sa nalalapit na Undas.

Aabot sa 38 katao ang isinama ng Sta. Ana Police para kunan ng mga personal na impormasyon. Ayon sa station commander, nais lamang nilang ma-verify kung may criminal record ang mga nasa loob ng sementeryo.

Ang mga isinama raw nila ay yung mga natutulog sa mga nitso at mga vendor na naninirahan sa loob ng sementeryo. Nais daw kasi ng mga pulis na makatiyak na walang gagawa ng gulo sa darating na Undas.

Tatlong menor de edad naman ang isinama rin ng mga pulis na itu-turnover nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kapag naman daw na-verify ng mga pulis na walang kaso ang isang indibidwal ay makakaalis naman daw ito. —KBK, GMA News