Alinsunod sa direktiba ng bagong administrasyon ng Maynila, bawal na ang vendors at street dwellers sa Manila South Cemetery ngayong darating na Undas. 

Ang lokal na pamahalaan ng Maynila ang nangangasiwa ng Manila South Cemetery sa Makati City.

Ayon kay Raffy Mendez, tagapagsalita ng pamunuan ng nasabing sementeryo, simula hatinggabi ng Miyerkoles ay wala na raw dapat street dwellers at vendors doon. Kung hindi raw sila susunod ay huhulihin sila ng mga awtoridad. 

Layon daw ng kautusang ito na ayusin at paluwagin ang mga sementeryo para sa darating na Undas at para rin maiwasan ang pagsikip at pagbigat ng daloy ng trapiko dito.

Nasa isang milyon daw kasi ang inaasahang dadalaw sa puntod ng kani kanilang mga mahal sa buhay sa  Biyernes. 

Pababalikin naman daw ang mga nagtitinda sa November 2. 

Sabi naman ng ilang vendors, malaki talaga ang mawawala sa kanila lalo at tuwing Undas sila umaasang pinakamalaki ang kikitain sa buong taon. Pero wala naman daw silang magagawa kundi sumunod para mapabalik din sila dito. 

Noong nakaraang linggo ay sinimulan na ang clearing operations sa Manila South Cemetery. Dinala sa presinto ang street dwellers at ilang mga nagtitinda para tignan kung mayroon silang mga kaso. 

Ayon pa sa pamunuan ng sementeryo, marami raw bago ngayong taon. Gaya na lang ng online livestreaming ng CCTV para ma-monitor ng mga tao kung ano ang mga latest na sitwasyon bago sila magpunta. 

Meron na ring computer verification kung saan gamit lang ang pangalan ng yumao ay maaari na raw makita kung saan siya eksaktong nakalibing. Para raw ito maging mas madali ang paghahanap ng mga dadalaw. 

Para sa karagdagang mga detalye, bisitahin lamang ang www.manilasouthcemetery.com.ph