Anim na bahay ang tinupok ng apoy sa Calamansi Street at Kamyas Street sa Barangay Cembo, Makati City pasado hatinggabi nitong Sabado.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Makati Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa bahay ni Aurora Solantes.
Ayon sa Makati City fire marshal na si Fire Superintendent Roy Quisto, hindi naman daw nahirapan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy pero nahirapan silang pumasok sa fire scene dahil makitid ang mga kalsada at may mga ilang obstruction pa.
Titingnan daw ng BFP ang wiring ng bahay na pinagsimulan ng sunog dahil 55 taon na raw nakatayo ang bahay na ito.
Wala namang nasaktan o nasawi sa sunog na umabot sa ikatlong alarma at tuluyang naapula ng 3:45 a.m.
Labintatlong pamilya ang nasunugan ng bahay.
Tinatayang nasa P600,000 ang halaga ng pinsala dahil sa sunog. —KG, GMA News
