Isang pulis ang patay matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem sa loob ng kaniyang kotse sa Maginhawa St, Teacher's Village sa Quezon City. Ang pinangyarihan ng krimen, hindi kalayuan sa Camp Karingal

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Saksi," kinilala ang biktima na si Police Lieutenant Ernesto Mendoza Jr., nakatalaga sa District Logistic Division ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon sa mga pulis, nangyari ang pamamaril dakong 8:00 pm sa oras na marami pa ang tao dahil kilalang lugar na maraming kainan sa lugar.

Tadtad ng bala ang bintana ng kotse ni Mendoza kung saan nakitang nakasabit pa ang kaniyang uniporme.

Ilang basyo rin ng bala ang nakita ng mga awtoridad sa Malingap Street corner Mapagkawanggawa Street, ilang metro mula sa pinaghintuan ng kotse matapos ang pamamaril.

Mag-isa lang sa kotse ang biktima nang mangyari ang ambush at patuloy pa ang isinasagawang imbestigahan kung may kinalaman sa trabaho ang nangyaring pamamaril sa biktima.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News