Pinagbawalan na rin ang night market sa Recto Avenue-Binondo kasunod ng utos ni Manila Mayor Isko Moreno na ipagbawal ang mga nagtitinda sa Ylaya Street na isa sa mga perpendicular street ng Recto Avenue.
Nitong Lunes ng gabi, itinaboy ng mga pulis ang mga vendor na nakita nila sa naturang kalsada, kaya ang mga nagtitinda sa bangketa na lang pumwesto kahit problemado sila dahil mahina ang benta. Itatapon na lang daw nila ang mga gulay na hindi maititinda.
Nanawagan sila ngayon kay Mayor Isko na ibalik ang night market sa Recto Avenue-Binondo kasunod ng pangakong magiging disiplinado sila sa kalinisan. Nalulungkot raw silat nadamay sila sa mga vendor ng Ylaya.
Ang isang mamimili naman, nalito, natagalan at napamahal daw dahil hindi na mahanap ang mga suki niya ng gulay sa night market.
Kung bawal ang night market sa Recto Avenue-Binondo, puwede naman ito sa kabilang kalsada ng Recto Ave na sakop ng Tondo.
Dakong 6 p.m. daw nagsimulang magtinda ang mga vendor doon at umalis bandang 6 a.m.
Pagputok naman ng liwanag, bumungad ang mas malinis at mas maluwag ngayong Ylaya Street sa Binondo.
Sa Ylaya Street Tondo naman, kanya-kanyang walis sa tapat ng kanilang mga pwesto ang mga vendor. Ayaw daw nila matulad sa mga kapwa vendor sa Ylaya Street Binondo na pinagbwalang magtinda.
Sila raw kasi, pinapayagan ni Mayor Isko na magbenta basta't hindi lang lalabas sa bangketa at hindi magkakalat ng basura.
Nitong Martes ng umaga, umikot ang isang payloader kasunod ang isang dump truck para humakot ng basura Sumunod naman ang trak ng bumbero para bombahin ng tubig ang Recto Avenue sa Divisoria. —KBK, GMA News
