Nasawi ang isang 18-anyos na lalaki matapos siyang saksakin ng suspek na kaniyang sinita dahil sa pambabastos umano sa kapatid niyang babae sa Sampaloc, Maynila. Ayon naman sa suspek, dinipensahan lang niya ang sarili.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing nakaalitan ng biktimang si John Nicolas Sayson ang suspek na si Banjo Amora sa Legarda Avenue ng nasabing lugar kaninang hatinggabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumabas na nagsumbong ang kapatid na babae kay Sayson kaya kinompronta nito si Amora.
"Nabastusan itong tomboy, sinita niya 'yung suspek natin. Pagsita niya, nagkasagutan, nagkasakitan. Nagsumbong ngayon itong tomboy doon sa kapatid niyang lalaki. 'Yung kapatid niyang lalaki agad namang sinita 'yung suspek, hindi niya alam armado na pala ng kutsilyo [ang suspek]," sabi ni Police Captain Alrey Bundalian, hepe ng Sampaloc Police Investigation.
Nagawa pang isugod sa ospital si Sayson pero binawian din siya ng buhay.
Agad namang naaresto ng mga pulis ang suspek at nakuha sa kaniya ang ginamit niyang kutsilyo sa pananaksak.
"Dinipensahan ko lang 'yung sarili ko ma'am. Hindi ko alam kung anong puwede nilang gawin sa akin eh. Nakainom na po ako ng araw na iyon. Nu'ng inambangan niya ako ng suntok, sinaksak ko ho siya ng kutsilyo," paliwanag ni Amora, na nahaharap sa reklamong homicide.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
