Naibalik na sa makasaysayang Jones Bridge sa Maynila ang isa sa apat na orihinal na estatwang La Madre Filipina nitong Sabado.
Ininspeksyon ni Manila Mayor Isko Moreno ang Jones Bridge dakong alas-tres ng madaling araw.
Nagpahayag naman ng excitement ang alkalde at ang mga Manileño na maibabalik ang mga estatwang La Madre Filipina sa makasaysayang Jones Bridge.
Ang isa sa apat na orihinal na La Madre Filipina statue, naibalik na at ang isa naman sa apat, na nasira nang bombahin ng mga Hapon ang tulay, ginawan na lamang ito ng replica at ilalagay din ito doon.
Ang dalawa sa mga estatuwa ay nasa Court of Appeals pa, pero plano ring ibalik ang mga ito sa dati nilang kinalalagyan.
Magpapatugtog naman ng kundiman sa Jones Bridge para umano maipaalala sa lahat ang uri ng musikang Pilipino.
Tiniyak naman ng alkalde na ligtas ang mga pupunta sa Jones Bridge dahil may mga istasyon ng pulis malapit dito.
Samantala, sinabi rin ni "Yorme" (mayor) na posibleng hindi na maging ruta ng Traslacion ng Poong Nazareno ang Jones Bridge, pero depende umano ito sa magiging desisyon ng Simbahan ng Quiapo. —GMA News

