Patay sa pananaksak ng kanyang dating kasintahan ang isang babae sa Valenzuela City, ayon sa eksklusibong ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes.
Kritikal naman ang suspek matapos magsaksak ito sa sarili.
Nakunan ng dashcam ng isang residente sa Barangay Canumay East ang insidenteng naganap nitong Sabado ng gabi.
Pauwi na sa kanilang bahay ang 25-taong gulang na si Carissa Pajuay habang may kausap siya sa telepono nang bigla siyang hinarang at pilit sundan ng isang lalaki.
Kinilala ang lalaki na si Richard Lao, 29, dating kasintahan ni Carissa.
Maya-maya, nakita na lang na tumatakbo palayo si Lao. Yun pala, pinagsasaksak na niya si Carissa.
Ilang saglit pa ang nakalipas, makikita si Lao na ilang ulit na sinasaksak ang sarili sa dibdib.
Agad namang tumawag ng saklolo ang mga nakasaksi.
Napag-alaman na ang kausap pala ng biktima sa telepono ay ang kanyang nanay. —KBK, GMA News
