Apat na miyembro ng militanteng grupong Panday Sining ang hinuli ng Manila Police makaraang maaktuhan umano na nagsusulat o nagva-vandalize sa mga poste at plant box sa ilalim ng LRT1 sa Recto Avenue sa Maynila nitong Sabado ng hapon.

Nahuli ang apat sa Plaza del Carmen Street bandang alas-singko y medya ng hapon.

Kinilala ang apat na sina Jeanne Vaughn Nico Quijano, Joven Francis Laura, Mikhail Collado at isang menor de edad.

Ayon sa Manila Police District Public Information Office (MPD PIO), naaktuhan ng mga pulis na naka-deploy para sa Southeast Asian Games ang mga suspek na nagsusulat sa poste ng LRT at plant box sa Recto Avenue kaya’t agad silang hinuli.

 

Nagsulat ang mga miyembro umano ng Panday Sining sa mga poste at plant box ng LRT1 nitong Sabado, Nov. 30, 2019, sa Maynila. Photo courtesy: MPD PIO

 

Tila nanghahamon daw ang mga suspek dahil hapon ginawa ang pagva-vandalize na kadalasan daw ay sa madaling araw ginagawa.

Mahaharap ang tatlong suspek sa reklamong malicious mischief, vandalism, at resisting arrest.

Ang menor de edad naman ite-turn over sa Department of Social Welfare and Development.

Nakatakda silang isailalim sa inquest nitong Linggo ng umaga.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga inaresto na naka-detain sa general assignment investigation section ng Manila Police District headquarters.

Ilang linggo lang ang nakalipas mula ng nagalit si Manila Mayor Isko Moreno matapos ma-vandalize ng grupo ang Lagusnilad Underpass.

Humingi noon ng paumanhin ang grupo pero iginiit nila na ang kanilang ginawa ay tugon lamang sa lumalalang estado ng bayan. —KG, GMA News