Ngayong papalapit na ang Pasko, panahon na naman ng mga bonus, 13th month pay at mga raffle kaya "happy" ang mga bulsa ng tao. Ngunit paano nga ba mapananatili ang mga nakuhang yaman sa Pasko sa pamamagitan ng pagtatabi?
Sa GMA News "Unang Hirit," sinabi ng financial expert na si Chinkee Tan na dapat munang alamin ng isang tao ang kaniyang prayoridad o plano sa kaniyang nakuhang pera.
Una, inirekomenda ni Tan na kung may sobra sa 13th month pay o bonuses, magbayad muna ng utang. Nakahihiya aniya kung makita ng pinagkakautangan mo na mayroon kang handa sa Pasko pero hindi mo pa siya nababayaran.
Pangalawa, maaaring ipang-negosyo ang sobrang pera, tulad ng pagbebenta ng leche flan.
Pangatlo, puwede ring itabi ang sobrang pera sa stock market o sa mutual fund.
At pang-apat, maaaring gamitin ang pera bilang pantulong sa kapwa.
Ipinayo ni Tan na ihuli na lang ang sarili at laging tandaan ang equation na "Income - savings = expenses." —Jamil Santos/LDF, GMA News
