Hindi umano makikialam ang Malacañang sa reklamong panghahalay na isinampa ng isang babae laban sa evangelist na si Apollo Quiboloy, na kilalang tagasuporta ni  Pangulong Rodrigo Duterte.

“We will not intrude into that private domain,” sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa pulong balitaan nitong Lunes.

“The rule of law in this country always prevail regardless of who are involved,” dagdag niya.

Si Quiboloy, namumuno sa Christian sect na Kingdom of Jesus Christ, ay inakusahan ng panghahalay, qualified trafficking at child abuse ng dati miyembro ng KJC.

Ayon sa reklamo na isinampa sa piskalya, nangyari umano ang krimen noong 2014.

Nang panahong iyon, 17-anyos pa lang umano ang biktima.

Itinanggi na ng kampo ni Quiboloy ang paratang at sinabing bahagi lamang umano ito ng “ grand conspiracy” laban sa lider ng KJC.

Maghahain din umano sila ng kaukulang kaso laban sa nag-aakusa kay Quiboloy.—FRJ, GMA News