Wala raw nakikitang pangangailangan ang Malacañang para maglabas ng medical bulletin kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakaramdam ng pananakit ng likod kamakailan.
Ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, ang paglalabas ng medical bulletin ay kung mayroon lang seryosong karamdaman ang pangulo.
“That is the constitutional requirement,” sabi ni Panelo sa mga mamamahayag nitong Biyernes.
Idinagdag pa ni Panelo na wala namang inililihim ang 74-anyos na pangulo pagdating sa kaniyang kalusugan.
Nitong nakaraang linggo, bumagsak mula sa motorsiklo si Duterte sa Presidential Security Group compound sa Malacañang Complex na dahilan ng pagkakatukod ng kaniyang siko at pananakit umano ng balakang.
Nito namang nakaraang linggo, napabalik nang maaga sa bansa mula sa Japan si Duterte dahil umano sa naramdamang matinding pananakit ng likod.
Pero nang magpasuri umano sa duktor nitong Miyerkules, muscular spasm lang daw ang dahilan ng pananakit na naramdaman ng pangulo at kailangan lang magpahinga.
Kinumpirma naman ni Panelo na sumakay ng all-terrain vehicle si Duterte nitong Huwebes sa Palace complex kahit pinayuhan siya ng duktor na magpahingan at limitahan ang mga aktibidad.
Sabi ni Panelo, paraan lang iyon ng ehersisyo ng pangulo.— FRJ, GMA News
