Bugbog ang sinapit ng isang batang may special needs sa Cavite sa kamay ng kinakasama ng kaniyang tiyuhin, ayon sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Linggo.

Makikita sa video na tinadyakan, sinuntok, pinilipit ang mga kamay at paa, at inumpog pa sa sahig ng babae ang bata.

Ayon sa ina ng biktima, nabahala siya nang mapansin na may mga sugat sa bibig ang anak.

Dahil hindi nakakapagsalita ang anak, nag-usisa ang ina hanggang sa mapanood niya ang video na nakunan ng isang kapitbahay.

Posible raw na hindi ito ang unang pagkakataong sinaktan ang kanyang anak. Palagi raw nagrereklamo noon ang suspek na mahirap alagaan ang bata.

Agad na pinasuri ng ina ang bata para sa medico legal at saka siya nagreklamo sa barangay.

“Base sa sinabi ng kapatid ko umamin sa kaniya yung babae na ganoon ang ginawa niya, tapos yung pasa ng anak ko sa ilalim ng kanang mata pati yung namuong dugo doon sa loob," sabi ng ina.     

Pinadalhan ng subpoena ang suspek pero hindi ito sumipot sa barangay dahil nakauwi na raw sa Batangas.

Nakatakda sampahan ng kasong Violation Against Women and their Children Protection Act in relation to Republic Act 7610 ang biktima. — Joviland Rita/DVM, GMA News