May mga pagbabago umanong ipatutupad sa traslacion ng Itim na Nazareno ngayong taon, ayon sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes.

Kasama umano sa pagbabago ang pag-ikli ng ruta ng prusisyon dahil hindi na daraan ang andas sa Jones Bridge o MaCarthur Bridge, at sa halip ay dadaan na ito sa Ayala Bridge.

Dahil sa naturang pagbabago, nasa 300 meters daw ang mababawas sa ruta ng prusisyon.

Kasama umano ito sa mga pinag-usapan sa pulong kanina ng National Capitol Regional Police Office (NCRPO), Manila Police District at pamunuan ng Quiapo Church.

Madaragdagan naman daw ang prayer stations na ilalatag sa ruta.

Para mapabilis naman ang usad ng prusisyon, napagkasunduan na payagan pa rin ang pagsampa sa likod ng andas at paghahagis o pagpahid ng panyo.

Sa hiwalay ng ulat ng GMA News "24 Oras," naniniwala ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo na hindi pa handa ang mga deboto sa lubos na pagbabago tulad ng naunang balak ng pulisya na ipagbawal ang paghatak ng lubid at pagsampa sa andas.

Kasabay nito, umapela rin ang simbahan ng Quiapo sa mga deboto na panatilihin ang pagiging sagrado ng traslacion ng Nazareno.

Paalala pa nila, huwag nang sumama sa prusisyon ang mga buntis at mga maysakit.
Sa kabuuan, mahigit anim na kilometro umano ang magiging haba ng prusisyon.

Samantala, dahil may mga barangay na hindi madaraanan ng prusisyon dahil sa pagbabago ng ruta, umapela ng pulisya sa mga deboto na huwag nang ipilit pa na idaan ang andas sa lumang ruta para maiwasan ang sakitan. --FRJ, GMA News