Sugatan ang apat na Chinese sa pagsabog sa isang restaurant sa Makati City noong Huwebes ng gabi, na sanhi umano ng gas leak.

Batay sa ulat ni Vonne Aquino, dalawa sa mga Tsino na nasugatan ay natatrabaho sa restaurant at ang dawala pa ay napadaan lamang at nadamay.

Nangyari ang pagsabog sa Judianchuanba Restaurant sa Yakal St., at sa lakas nito,  tumilansik ang pinto ng restawran hanggang sa bangketa. Nagkasira-sira rin umano pati ang mga furniture at tumilapon sa kalsada.

Isinalaysay ng empleyado sa kalapit na restaurant na nakarinig sila ng malakas na pagsabog na sinundan ng kapal na usok sa kainang pinagmulan ng pasabog, ayon sa ulat.

Nangyari ang insidente mga 100 metro lamang mula sa Makati City Police Station, kaya’t agad umanong nakaresponde ang mga pulis at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection.

Gas leak ang itinuturo ng mga awtoridad na dahilan ng pagsabog dahil sa natuklasang gas hose na naabo ang dulo.

Ayo sa mga awtoridad, posibleng pasisindi ng sigarilyo ang nagdulot ng spark dahil nakita ang isang pakete ng sigarilyo sa kusina, at ilang upos din ng sigarilyo ang nakita sa tabi pa ng gas tank ng restaurant.

Pahayag ni Police Colonel Roger Simon, hepe ng Makati City Police, “Accordingly, sabi nila pwedeng doon (sa sigarilyo) nagsimula yung spark ng apoy na pinagsimulan ng pagsabog dahil medyo kulob yung cooking area nila at noong naipon na yung fumes doon sa loob nag-spark nga itong ano baka siguro may naninigarilyo dahil may mga nakita nga tayong mga lighter, sigarilyo at ashtray sa loob.”

Sugatan ang dalawang Chinese na kitchen helper at dalawang Chinese na dumaraan lamang sa tapat ng restaurant.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang may-ari ng gusali dahil sa kawalan umano nito ng business permit, at dahil na rin sa paglabag sa building code.

Dagdag pa, wala umanong sprinkler at fire extinguisher sa loob ng sumabog na restawran. —LBG, GMA News