Papanig umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa United States kapag mayroon mga Pinoy na nasaktan sa Middle East sa harap ng tumataas na tensyon ng Amerika at Iran, ayon sa Malacañang.

Ito ang inihayag ni presidential spokesperson Salvador Panelo nitong Martes, isang araw makaraang pulungin ni Duterte ang miyembro ng Gabinete para talakayin ang sitwasyon sa Middle East at posibleng paglikas sa mga Pinoy sa naturang rehiyon sakaling mauwi sa digmaan ang sigalot ng US at Iran.

Uminit ang sitwasyon nang mapatay sa US airstrike noong Biyernes sa Baghdad, Iraq ang isang matapos na opisyal ng militar ng Iran.

“Hindi tayo magiging neutral. The President was very specific in saying last night that if the Filipinos are harmed, he will side with the Americans,” sabi ni Panelo sa news conference.

“The President will not sit idly and watch," dagdag niya.

Ayon pa kay Panelo, inatasan ni Duterte si Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Abdullah Mamao, magtungo sa Iran at Iraq upang ihatid ang kaniyang “friendly caution” na walang Pinoy na dapat madamay sa sigalot nito sa US. --FRJ, GMA News