Isang KTV bar na nasa pinakamataas na palapag ng isang hotel sa Makati ang sinalakay ng mga awtoridad dahil sa impormasyon na ginagamit ito sa prostitusyon. Kabilang sa mga inabutan sa lugar ay  ilang kostumer na Chinese.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing 13 Pinay na nagtrabaho sa naturang KTV ang sinagip, at inaresto ang may-ari nitong Taiwanese, at dalawang babaeng manager na nagsisilbi umanong bugaw.

Isinagawa raw ng Makati City police ang pagsalakay sa KTV sa barangay Poblacion kaninang madaling araw matapos silang makatanggap ng impormasyon na ginagawang prostitution den ang lugar.

Nang makumpirma ang impormasyon sa pamamagitan ng kanilang "asset" na nailalabas daw ang mga babae matapos magbayad ng "bar fine" ang kostumer, ikinasa na ang operasyon.

"Ginagamit yung KTV na kung saan yung mga babae tine-table nila pero at the same time inilalabas na rin nila. Kung gusto nila, kung kinakausap nila yung babae at yung management, nag-ba-bar fine dito at inilalabas yung babae," ayon kay Police Colonel Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

May mga nakuha rin umanong condom sa isang kuwarto ng KTV, na
hindi raw basta-basta mapupuntahan dahil nasa pinakataas na palapag ng hotel at kailangan ng access card para makaakyat.

Isasailalim umano sa profiling ang 13 nasagip na Pinay, inimbitahan sa police station ang 16 na customer na karamihan ay Chinese.

Itinanggi naman ng mga nasagip na babae at maging ng mga costumer na may nangyayaring prostitusyon sa lugar.

Itinanggi rin ng may-ari ng KTV at dalawang manager ang alegasyon ng prostitusyon.

Napag-alaman naman ng Makati police na paso na ang ginagamit na permit ng KTV.  Aalamin din kung may pananagutan ang management ng hotel. -- FRJ, GMA News