Patay sa pamamaril sa loob ng isang kotse ang tatlong lalaki, na kinabibilangan ng dalwang Chinese, na naganap sa Taguig City nitong hapon ng Martes. Ang nakatakas na mga salarin, nakasakay sa motorsiklo.
Sa ulat ni Julee Anne Mae Cabrera sa Super Radio dzBB, sinabing nangyari ang krimen sa harap ng Department of Science and Technology sa General Santos Avenue, Barangay Upper Bicutan dakong 2:30 p.m.
Ayon sa mga awtoridad, kaagad na nasawi sa loob ng sasakyan ang tatlong biktima.
Dalawang babae naman na edad lima at 12, ang nasugatan at dinala sa ospital.
LOOK: Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo sa pamamaril sa Upper Bicutan, Taguig City na ikinasawi ng tatlong indibidwal. | via @cabrerajulee731 pic.twitter.com/X1IIRCSVyw
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 28, 2020
Ang nasawing Filipino, ay sinasabing inupahan lang umano ng mga Chinese na magmaneho para sa kanila.
Sabi pa ulat, may impormasyon na galing sa mga saksi na isang babae ang nagawang nakalabas ng sasakyan para humingi ng tulong.
Mahigit 20 basyo ng bala ng baril ang nakita umano ng mga imbestigador sa lugar na pinangyarihan ng pamamaril.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na apat ang suspek sa krimen na nakasakay sa dalawang motorsiklo.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen. --FRJ, GMA News
