Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga eksperto sa larangan ng medisina, at ilang opisyal ng pamahalaan sa susunod na linggo, upang pag-usapan ang mga hakbang ng gobyerno para matigil ang pagkalat ng novel coronavirus sa bansa.
"A meeting has been scheduled by the President next week with medical experts and key government officials to discuss all necessary measures to prevent the spread of the novel coronavirus," saad ni Senator Bong Go sa isang pahayag.
Ayon kay Go, dating aide ni Duterte, na sumang-ayon ang pangulo sa kaniyang rekomendasyon na ipatupad ang temporary travel ban sa mga manggagaling mula Wuhan City at buong probinsiya ng Hubei sa China.
Ipinatupad na ni Duterte ang ban ngayong Biyernes.
"Rest assured that the Duterte administration takes this threat seriously. I am appealing to the public to cooperate with authorities in order to ensure the safety of everyone," saad ni Go.
Kinumpirma ng DOH ang unang kaso ng novel coronavirus sa bansa nitong Huwebes, at ang carrier nito ay isang 38-anyos na babae mula Wuhan na dumating sa Pilipinas galing Hongkong noong Enero 21.
Pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III, contained na ang virus at ang carrier nito ay nasa pangangalaga ng San Lazaro Hospital sa Maynila. —Jamil Santos/LBG, GMA News