Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang bangkay ng isang miyembro ng LGBTQ community sa isang bakanteng lote sa Malaybalay City, Bukidnon.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing mga tauhan ng Civil Security Unit ng Bukidnon Provincial Capitol ang nakakita sa bangkay ng biktima sa isang bakanteng lote sa Barangay Poblacion dakong 7 a.m. nitong Lunes.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na huling nakitang buhay ang biktima dakong 2 am sa nabanggit ding araw sa Bukidnon Provincial Capitol na may kasamang isang lalaki.

Ayon kay Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10) spokeseperson, Police Major Joann Navarro, may nakakita sa biktima na kasamang umalis ng isang lalaki at nagtungo sa isang lugar na malapit sa Purok 1.

Pagkaraan ng isang oras, bumalik umano ang lalaki sa lugar kung saan ito namamalagi at inamin sa isang kaibigan na napatay niya ang biktima.

Ngunit sa halip na sumuko, tumakas ang suspek.

Inireport naman ng kaibigan ng suspek ang insidente sa mga tauhan ng Civil Security Unit (CSU), kaya natagpuan ang bangkay nito na duguan ang ulo at nakababa ang shorts.

Ayon kay Navarro, posibleng hinampas o pinukpok ng matigas na bagay ang ulo ng biktima kaya puno ito ng dugo nang matagpuan.

Tukoy na ang pagkakakilanlan ng suspek na patuloy na tinutugis.

Sa isang social media post, nag-alok naman si Malaybalay City Councilor Jason Chad Ayala ng P30,000 pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang suspek.

Sinisikap pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima.—FRJ GMA News