Isang araw matapos ang kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), bumisita si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Martes sa Davao de Oro upang mamahagi ng tulong sa ilalim ng programang "Bawat Bayan Makikinabang."

Pinangunahan ni Marcos ang pamamahagi ng mga makinaryang pang-agrikultura at iba pang kagamitang pangsakahan mula sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Kabilang sa mga benepisyaryo ng programa ang ilang magsasaka sa Davao de Oro, Davao del Norte, at Davao Occidental.

Ipinagkaloob din ng Pangulo ang tulong pinansyal mula sa Socio-Civic Projects Fund (SCPF) sa tatlong lalawigan. Makikinabang sa naturang pondo ang mga presidential scholar at mga barangay.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Marcos ang matibay na koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at ng mga lokal na pamahalaan upang maging mas mabilis at mas mahusay ang paghahatid ng tulong sa mga komunidad.

"Alam niyo po ang pamahalaan, ang inyong pamahalaan, ay hindi lang nag-uutos na ito ang gagawin ninyo, ganyan ang gagawin ninyo, 'yung mga opisyal, 'yung mga kababayan natin. Kami po ay kasama po diyan. Kami'y nakikinig," ayon kay Marcos.

"Kaya't kung mayroon kayong mga hinaing, mayroon kayong mga inaaalala, mayroon kayong nakitang maganda na sa palagay ninyo ay dapat gawin, sabihan niyo po kami. Sabihan niyo ang inyong mga local officials. Sabihin niyo sa mga ahensya ng gobyerno—kung national man o kung local man," dagdag niya.

Nangako rin si Marcos na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang matugunan ang karamihan, kung hindi man ang lahat, ng pangangailangan ng mamamayan.

"Asahan po ninyo, ang pamahalaan ninyo ay nandito, hindi kayo nakakalimutan. Kahit kayo'y nasa malayong lugar ay nandito po kami, ginagawa po namin ang lahat, nag-iisip kami, ginagawa din namin lahat ng kaya namin at alam naming gawin para tulungan at pagandahin at magdala ng kahit kaunting ginhawa sa inyong mga buhay," saad niya. – FRJ GMA News