Aabot sa P10 milyong halaga ng iligal na droga ang nasabat sa apat na suspek sa isang buy-bust operation sa Malabon, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali nitong Miyerkoles.
Nakasilid sa 1 1/2 kilo ng shabu sa mga pakete ng tsaa, ayon sa pulisya. Tingin nila, konektado ang mga suspek sa mas malaking sindikato.
"'Yung ganoong kalaking drugs, masyadong malaki ang hawak nila. Meaning to say, hindi ito maliitang grupo," ani Police Colonel Jessie Tamayo, hepe ng Malabon City Police.
Target daw ng operasyon si Remel de Jesus, na isa sa mga naaresto. Ang tatlo pang nahuli ay kinilalang sina Jufirst Soguilon, Jhay Camposano, at Rizza Mae Pabon.
Mahigit isang buwan daw minanmanan ng pulisya si De Jesus, na umamin na sa kanya ang mga nasamsam na droga.
Si Soguilon naman, iginiit na driver lang siya.
Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawang iba pa. —KBK, GMA News
