Nais ng isang pamilya mula sa Iloilo City na maimbestigahan ang nangyari sa kanilang mahal sa buhay na natagpuang patay sa loob ng kaniyang kuwarto sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV nitong Miyerkoles, sinabi ng pamilya na natanggap nila ang malungkot na balita sa pagpanaw ni Mary Jill Muya, 44-anyos, mula sa Jaro, Iloilo City, noong bisperas ng Bagong Taon.
Nasa dalawang dekada na umanong nagtatrabaho sa Abu Dhabi si Muya.
"Six hours pa lang daw, bale last siyang nakita Sunday, 3:30 ng madaling araw. Mula noon, hindi na siya nakalabas ng silid niya," sabi ng anak ni Muya na si alyas "Boy."
Labis na ikinalungkot ang pamilya sa biglaang pagkamatay ni Muya dahil wala umano itong ikinuwentong problema sa trabaho. Ayon sa kanila, regular nila itong nakakausap kaya lalo silang nahihirapang tanggapin ang nangyari.
"Sa pagkakakilala ko sa kanya, hindi niya talaga magawa 'yun. Kaya nga nagdududa kami, may foul play talaga. Kaya gusto naming maimbestigahan," dagdag ng anak.
Bukod sa repatriation ng bangkay ni Muya, hinihiling din ng pamilya ang masusing imbestigasyon sa mga pangyayaring humantong sa kaniyang pagkamatay.
Hindi nagbigay ng on-camera interview ang regional director ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 6 sa GMA Regional TV One Western Visayas, pero nakipag-ugnayan na umano ang ahensya sa pamilya ng OFW.
Sa ngayon (hanggang nitong umaga ng Miyerkoles), patuloy ang pagproseso ng mga dokumento para sa repatriation.
Batay sa talaan ng OWWA, hindi na-renew ni Muya ang kaniyang pagiging miyembro sa ahensya mula pa noong 2022
Tungkol sa hinala ng pamilya na may foul play sa pagkamatay ni Muya, sinabi ng OWWA na ipinauubaya nila sa mga awtoridad ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon. — FRJ GMA Integrated News

