Inihayag ni Kokoy de Santos na hindi siya naghahanap ng lovelife ngayong 2026, ngunit hindi rin naman niya tatanggihan kung may darating.
Sa guesting nila ng kaniyang “House of Lies” co-stars na sina Mike Tan at Martin del Rosario sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, tinanong ni Tito Boy si Kokoy kung bakit wala pa rin siyang girlfriend hanggang ngayon.
“Oo nga, Tito Boy. Actually, parang dito ako sa ‘Fast Talk’ nag-a-update ng lovelife ko eh. Parang hinihintay ninyo ba talaga?” biro ni Kokoy.
Sa guesting niya sa programa noong 2023, inilahad ni Kokoy na nawala siya sa tamang landas dahil sa pag-ibig. Umabot umano siya sa puntong hinabol pa rin niya ang dating nobya kahit pa nag-cheat ito sa kaniya.
"May isang point sa buhay na nawala ako since first time ko sigurong ma-inlove. Binuhos ko lahat, pinaikot ko ang mundo ko [sa kaniya]," kuwento noon ng aktor.
Sa kabila ng labis na pagmamahal, nagawa pa rin daw siyang lokohin ng kaniyang karelasyon.
"Pero eventually, siguro ilang years din kami noon. Nalaman ko kasi na nag-cheat. Parang binagsakan ako ng mundo rin, na parang, binigay ko rito lahat, tinalikuran ko. Umabot ako sa point na tumatanggi ako sa mga project na dati ako naghahabol," ani Kokoy.
Sa episode ng programa nitong Miyerkoles, seryosong sinabi ni Kokoy na hindi pa rin niya masabi kung magkakaroon na siya ng lovelife ngayong 2026.
Gayunman, nananatiling raw bukas si Kokoy kung may magpapatibok muli sa kaniyang puso.
“Hindi naman ako naghahanap. ‘Di rin naman ako tumatanggi,” sabi niya.
Pero kapag dumating, “Akin na!” tugon ni Kokoy.
“Siguro, focus lang talaga sa goal ngayon. Kung ano man ‘yung gusto kong gawin.”
Sa Fast Talk segment, pinili ni Kokoy ang “daring” kaysa “wholesome,” “searching” kaysa “waiting,” at natatawa siyang sumagot na “lie” na nanloko siya sa karelasyon.
Mapanonood na ang "House of Lies" sa Enero 19 ng 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime. – FRJ GMA Integrated News
