Isang babae ang nasawi matapos siyang barilin ng isang Immigration and Customs Enforcement (ICE) agent habang nagsasagawa ng operasyon sa Minnesota sa Amerika.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Huwebes, sinabi ng local at federal officials na nangyari ang kaguluhan habang nagsasagawa ng enforcement operation ang mga awtoridad sa lugar.

Ayon sa Department of Homeland Security, namaril ang isang officer nang tangkain ng isa umanong bayolenteng rioter na banggain ang mga tauhan ng ICE.

Inilarawan nila ito bilang isang “act of domestic terrorism.”

Gayunman, kinuwestiyon naman ng alkalde ng Minneapolis ang pahayag ng Department of Homeland Security na self-defense ang ginawa ng enforcer sa pagbaril sa biktima.

Kaya umanong patunayan sa video footage na hindi totoo ang sinasabi ng ahensiya.

"They're already trying to spin this as an action of self-defense," saad ni Minneapolis Mayor Jacob Frey sa isang press conference. "Having seen the video myself, I want to tell everybody directly - that is bullshit."

Giit ni Frey, ang mga federal immigration agent ang nagdudulot ng kaguluhan sa kaniyang lungsod.

"Get the fuck out of Minneapolis," sabi ng alkalde sa mga tauhan ng ICE na pinaigting ang kampanya laban sa illegal migrants sa US.

Nagdulot naman ng mas malalaking kilos-protesta sa lugar ang nangyari pagbaril ng tauhan ng ICE sa babae.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News