Kinagiliwan ng mga residente ang isang uwak matapos nitong tangayin ang mga perang pa-bonus ng alkalde at dalhin ito sa bubong ng isang bahay, at isa-isang inihulog na tila nagpapa-agaw sa mga tao sa Roxas, Capiz.
Sa video ni Roxas Capiz Mayor Receliste Escolin na ibinahagi sa GMA Regional TV, mapanonood ang mga residente na mga nakatingala at may inaabangan mula sa isang bubungan.
Sa naturang bubungan pala pumunta ang “snatcher” na uwak at dala ang tinangay na mga perang papel.
“Nagsigawan ang mga tao sa harapan ko. Hindi pa alam noon kung ano ang kanilang isinisigaw,” sabi ni Escolin sa pamamagitan ng GMA Regional TV.
Kabilang sa mga tinangay ng ibon ang mga perang papel na halagang P500, P100 at P50.
Nang tukain na ng uwak ang P500, nagkagulo ang mga tao sa ibaba. Tila inihuhulog ng ibon ang pera na may pa-suspense pa.
Sunod na tinuka ng uwak ang iba pang perang papel.
Kalaunan, isang lalaki na ang umakyat sa bubong at kinuha ang iba pang perang papel.
Pero ang ang uwak, lumipad na may tangay na tila P100 bill.
Kuwento ng mayor na nagbi-video noon, ipinatong niya ang pera sa isang lamesa.
Huli na nang matuklasan nilang inilipad na ng uwak ang pera.
“Inilipad ng isang uwak ‘yung pera sa kabilang ilog. Tapos ang ginawa niya, inilatag niya ang pera [sa bubong],” ani Escolin.
Hindi man nabawi ang lahat ng pera na tinangay ng uwak, narekober naman ang marami rito.
Sa huli, naipamigay naman ang bonus para sa mga empleyado.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
