Natangay ng isang kawatan ang motorsiklo ng isang delivery rider sa Pangil, Laguna. Kasamang nakuha ng suspek ang mga parcel na ide-deliver sana ng biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage na sandaling iniwan ng rider ang kaniyang motorsiklo para maghatid ng produkto.

Nang makita ng 39-anyos na suspek na hindi inalis ng biktima ang susi sa kaniyang motorsiklo, sinakyan niya ito at pinaandar, tangay ang iba pang parcel ng biktima.

Sa follow-up operation, nadakip ang suspek sa Siniloan, Laguna. ‘

Bagaman nabawi ang motorsiklo, kulang na ang parcel na ide-deliver sana ng biktima.

Sa imbestigasyon, nalaman ng mga pulis na ipinamigay umano ng suspek ang ibang parcel sa mga nadaanan nitong mga bata.

Ayon sa suspek, nagawa niya ang krimen dahil sa labis na kahirapan.

“Kaya ko lang po nagawa iyon dahil mahirap man sabihin at hindi kayo maniniwala na hirap na hirap ako sa buhay. Talagang wala po kasing tumanggap na pamilya ko sa akin,” paliwanag ng suspek.

Ayon naman sa biktimang rider, nawawala ang P14,000 na halaga ng parcels na siya raw ang magbabayad sa kompanya.

Napag-alaman din ng pulisya na ang unang motorsiklo na ginamit ng suspek ay ninakaw din sa Calauan, Laguna.

Mahaharap ang suspek sa kasong carnapping at thief. — FRJ GMA Integrated News