Nasawi ang isang pulis matapos sumalpok sa poste ang minamaneho niyang motorsiklo at mahagip ng isa pang sasakyan sa Cordon, Isabela.  

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, makikita sa isang dashcam video na bumibiyahe ang 43-anyos na biktima sa gilid ng national highway sa bahagi ng Barangay Caquilingan noong Linggo ng umaga.

Subalit nagtuloy-tuloy sa paggilid ang motorsiklo hanggang sa sumalpok na ito sa isang poste ng kuryente.

Tumilapon umano ang rider at ang motorsiklo sa gitna ng kalsada at doon naman nahagip ng kasunod na refrigerated van.

Nakaladkad pa umano ng ilang metro ang biktima bago nakapagpreno ang van.

Dinala sa ospital ang pulis pero idineklara siyang dead on arrival dahil sa matitinding sugat na kaniyang tinamo.

Ligtas naman ang mga sakay ng refrigerated van.

Wala pang pahayag ang kaanak ng biktima at ang driver ng van, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News