Isang public high school teacher sa Muntinlupa ang nasawi habang isinasagawa ang isang classroom observation. Bunsod nito, muling binuhay ng mga grupo ng guro na repasuhin ang mga patakaran tungkol sa evaluation ng mga guro.

Kinumpirma noong Huwebes ng Schools Division Office ng Muntinlupa ang pagkamatay ng isang guro mula sa Pedro E. Diaz High School, at sinabing pumanaw ang guro “while fulfilling her dedication to education.”

Nagpaabot ng pakikiramay ang school division sa pamilya ng guro, na inilarawan na isang “remarkable educator” at “a cherished mentor who profoundly impacted the lives of countless students and colleagues.”

Nagpahayag din ng pagluluksa ang mga grupo ng guro na nabahala sa nangyaring insidente.

Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC), iniulat na nangyari ang pagkamatay ng guro habang may isinasagawang classroom observation, at nanawagan sila sa Department of Education (DepEd) na agarang repasuhin ang mga patakaran nito sa classroom observation, na bahagi ng performance rating system ng mga guro.

Binigyang-diin ng grupo na ang classroom observation ay dapat magsilbing pangsuporta at para mapahusay ang pagtuturo, at hindi bilang isang parusa o judgmental mechanism na dagdag sa stress at workload ng mga guro.

Inihayag naman ng Alliance of Concerned Teachers Philippines (ACT), ang kanilang panawagan sa DepEd na suspendihin ang classroom observations, lalo na’t kakabalik pa lamang ng mga guro mula sa maikling bakasyon.

Dapat din umanong repasuhin ang mga sistema ng ebalwasyon tulad ng Results-based Performance Management System (RPMS), na ayon sa kanila ay dapat palitan ng mas patas at teacher-centered na mga alternatibo.

Muli ding nanawagan ang dalawang grupo para sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga guro, kabilang ang disente at sapat na sahod, angkop na benepisyo, at sapat na pondo para sa edukasyon, kalusugan, at serbisyong panlipunan.

Pahayag ng DepEd

Sa isang pahayag, ipinaabot ng DepEd ang pakikiramay nila sa pamilya, mga kasamahan, at mga mag-aaral ni Buenaflor.

“We mourn the loss of a dedicated educator and stand in solidarity with the school community during this difficult time,” ayon sa DepEd.

Sa pamamagitan ng Schools Division Office, mahigpit umano silang nakikipag-ugnayan sa paaralan at sa pamilya upang magbigay ng agarang tulong, kabilang ang psychosocial support para sa mga apektadong mag-aaral at kawani.

“We are also looking into the circumstances surrounding the incident and respectfully asks the public to refrain from spreading unverified or speculative information, out of respect for the family and all those affected,” patuloy ng DepEd.

Kasabay nito, binigyang-diin ng DepEd ang kahalagahan ng classroom observation “as a tool for improving teaching quality, supporting teacher development, and enhancing learner outcomes when conducted as a shared learning experience grounded in commitment, trust, and respect.”

“We remind all field offices and schools that classroom observations are intended to reflect authentic, day-to-day teaching and learning, and must be conducted in a supportive, non-intimidating manner that promotes growth and professional development, in line with existing policy under DepEd Memorandum No. 089, s. 2025,” ayon pa sa DepEd. — Sherylin Untalan/FRJ GMA Integrated News