Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang driver ng jeepney na nang-araro ng mga estudyanteng tumatawid sa pedestrian lane sa Makati City. Isang mag-aaral ang nasawi at anim na iba pa ang nasugatan dahil sa naturang sakuna.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi umano ni Makati City Police Chief Colonel Regelio Simon, natuklasang walang lisensiya ang driver ng jeep na si Crizaldy Tamparong.

Nasangkot daw kasi si Tamparong sa sakuna noong nakaraang taon at hindi pa nito nakukuha ang kinumpiskang lisensiya.

Kaya naman aalamin ang pananagutan ng operator ng jeepney kung bakit pinayagan nitong bumiyahe si Tamparong kahit walang lisensiya.

Nangyari ang malaking na sakuna sa mga estudyante nitong Miyerkules ng gabi ng ikinasawi ni Jules Villapando.

Sa kuha ng CCTV, makikita na nakatigil na ang mga sasakyan kaya tumawid na ang mga estudyante nang biglang sumulpot ang jeep na minamaneho ni Tamparong.

Iniwasan nito ang isang nakatigil na kotse sa kaniyang daraanan at kinabig ang manibela papunta sa kabilang linya at nahagip ang mga biktimang estudyante.

Idinahilan ni Tamparong na nawalan ng preno ang jeep.

"Nawala po talaga ng preno sir 'yung jeep. 'Yun po hinila ko po sa sasakyan kasi marami kasing patawid sir eh tapos kinabig ko pakaliwa yung po inabot ko po mga estudyante," paliwanag niya.

Sa isang panayam sa GMA News TV "QRT," sinabi ni Simon na nagpabago-bago na ang kuwento ni Tamparong sa dahilan ng aksidente nang sabihin nila na nakita sa CCTV na tumigil ang jeep nang mabangga niya ang mga biktima.

Lumitaw din umano sa inisyal na pagsusuri na positibo sa droga ang driver.

Nilinaw naman ni Simon na dadaan pa sa confirmatory test ang pagsusuri kay Tamparong.--FRJ, GMA News